Nanindigan ang Consultative Committee (Con-Com) na dapat maging bahagi ng binabalangkas na federal constitution ang anti-political dynasty provision.
Ayon kay dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno bilang Chairman ng Con-Com, nangangamba siyang mas lalo pang maging makapangyarihan ang political dynasty sa ilalim ng pederalismo.
Giit ni Puno, sa ngayon pa lamang ay matindi na ang kalakaran ng dinastiya sa gobyerno dahil sa dami ng posisyon na monopolyado na ng iilang pamilya.
Gayundin ang paniniwala ni dating Senate Presidente Aquilino “Nene” Pimentel bilang miyembro ng Con-Com.
Sinabi ni Pimentel na sa oras na masunod ang naturang rekomendasyon ay mahigpit nang ipagbabawal sa magkakamag-anak na hanggang second civil degree na kumandidato at humawak ng posisyon nang sabay-sabay sa national maging lokal na puwesto.