Ipapatupad na ng Cebu Pacific ang mas istriktong polisiya sa hand carry baggage.
Batay sa abiso ng Cebu Pacific, simula Lunes, July 17, isang carry on o hand carry baggage na lamang ang papayagan sa bawat pasahero.
Gaya ng dati, papayagan sa cabin ang hand carry baggage na may bigat na hindi lalalgpas sa pitong kilo.
Papayagan naman ang mga pasahero na magdala ng laptop na nasa loob ng laptop bag o handbag.
Ang mga pasahero naman na may kasamang sanggol ay papayagan pang magdala ng isang baby bag bilang hand carry na hiwalay sa kanilang 7-kilogram hand carry baggage.
Paliwanag ng Cebu Pacific, bahagi ito ng pagsasa-ayos sa kanilang operasyon at para mas maging maayos ang check in experience ng mga pasahero sa paliparan.