Wagi si Senador Manny Pacquiao sa kanyang laban kay Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tuluyang napasuko ni Pacman si Matthysse sa Round 7 ng kanilang bakbakan na tumagal lamang ng halos isang oras.
Dahil dito, napasakamay ni Pacman ang WBA welterweight championship belt.
Sinasabing ang naturang laban ay itinuturing na make or break para sa tinaguriang Pambansang Kamao.
Sinabi rin ni Pacman na na-sorpresa siya dahil malakas na boksingero si Matthysse subalit nagapi niya ito.
Pinasalamatan ni Pacman ang lahat ng mga sumusuporta sa kanila lalo na ang Team Pacquiao na nakasama niya sa buong paghahanda sa nasabing laban.
Samantala, nasungkit din ng isa pang Pinoy boxer ang WBA featherweight title sa undercard division ng Fight of Champions.
Pinataob ni Jhack Tepora ang kalabang Mehikano na si Edivaldo Ortega sa 9th round sa pamamagitan ng isang technical knock-out.
Palasyo at iba pang opisyal ng gobyerno, nagpa-abot ng pagbati sa Pambansang Kamao
Nagpaabot na ng pagbati si Pangulong Duterte sa muling tagumpay ni Pacman sa larangan ng boxing.
Ayon sa Pangulo, pinabilib na naman ng senador ang mga Pilipino na aniya’y kinukunsidera na isa sa mga magagaling na boksingero ngayon.
Matatandaan na tumulak pa ang Punong Ehekutibo sa Kuala Lumpur upang personal na saksihan ang bakbakan.
Nagpahatid na rin ang ibang senador ng pagsaludo kay Pacman kabilang sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Sonny Angara at Sen. JV Ejercito.
Mabuhay si Manny!! — Sonny Angara (@sonnyangara) July 15, 2018
Congrats Manny! You have given so much pride and honor to the country. You have sacrificed your body, with blood, sweat and tears. One of the best boxers ever! Nothing more to prove. pic.twitter.com/yJAL8jLpmK — JV Ejercito (@jvejercito) July 15, 2018
Nakiisa rin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa nakamit na tagumpay ni Fighting Senator Manny Pacquiao kontra sa Argentinian boxer na si Lucas Matthysse.