Minaliit lamang ng DND o Department of National Defense ang naging pahayag ni CPP o Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison.
Ito’y makaraang tutulan ni Sison ang panukalang localized peacetalks sa mga miyembro ng NPA o New People’s Army matapos tuluyan nang putulin ng administrasyon ang pakikipag-usap sa matataas na lider komunista.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi na bago sa kanila ang mga pagtutol ni Sison at hindi na rin aniya mahalaga ang mga sinasabi nito dahil sa naiparating na nila sa mga nasa ibaba ang mensahe ng pakikipagkasundo.
Sa katunayan, wala na rin aniyang kontrol si Sison sa mga rebeldeng nasa mga kanayunan at nananaginip na lamang ito kung sa tingin niyang may impluwensya pa siya sa mga nasa bundok.