Sesentro sa usapin ng terorismo ang magiging pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Bin Mohamad ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kabilang din sa matatalakay ng dalawang lider ang isyu ng rebelyon sa Mindanao, patuloy na paghahasik ng karahasan ng ISIS sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa Asya.
Dagdag ni Roque, inaasahan din ang pagbuo ng kasunduan nina Pangulong Duterte at Mahathir para sa pagsasagawa ng joint patrol ng Pilipinas at Malaysia sa mga karagatan ng South East Asia.
Ngunit sa kabila nito, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque posibleng hindi mapag-usapan sa nasabing pulong kung sinong bansa ang tunay na nagmamay-ari ng Sabah.
Kasalukuyang inookupa ngayon ng Malaysia ang Sabah ngunit base sa titulo na hawak ng Sultan ng Sulu pagmamay-ari ng Pilipinas ang nasabing teritoryo.
Samantala, sinabi ni Roque na hindi na makakasama ang delegasyon ng Pilipinas sa bilateral meeting nina Pangulong Duterte at Mahathir dahil ayaw na aniya ng Malaysia na bigyan ito ng sobrang publicity.
Si Pangulong Duterte ang unang lider sa Asya na makakapulong ni Prime Minister Mahathir makaraang muling makabalik sa kapangyarihan.
—-