Itinakda na ang pre-trial sa kaso nina Maria Christina Sergio at Julius Lacanaliao, ang mga umano’y recruiter ng Pinay drug convict sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Ito ay isasagawa sa Setyembre 18 sa Baloc Regional Trial Court Branch 37 sa Nueva Ecija kaugnay ng large-scale illegal recruitment na isinampa naman ng mga kapitbahay din ni Veloso laban sa dalawa.
Kaugnay nito, nakiusap sa korte si Atty. Edre Olalia, isa sa mga abogado ni Veloso na magsagawa rin ng arraignment sa qualified human trafficking case na inihain ni Veloso laban sa dalawa sa parehong araw.
Una nang inaprubahan ng DOJ o Department of Justice ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Sergio at Lacanilao.
Si Veloso ay hinatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagpupuslit ng droga, pero nagawaran din ng last minute reprieve kasunod ng pagsuko ng mga naturang recruiter.
By: Jelbert Perdez | Allan Francisco