Nagbabala ang ilang senador na hindi malayong magalit ang taumbayan sa oras na ipilit ang Charter change o Cha-cha.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan Presidente ng Liberal Party, maaaring mas lalong hindi makakuha ng suporta ang naturang panukala kung ipipilit ito kahit ano pang gawing paliwanag ng gobyerno.
Naniniwala naman si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magkakagulo at posible pang mag-walk out ang mga senador kung gagamitin ang joint session ng Kongreso sa Lunes para ideklara silang Constituent Assembly na aamyenda sa konstitusyon.
Sinabi naman ni Senate Minority Floor Leader Senador Franklin Drilon na dapat bigyang halaga ng pamahalaan ang boses ng publiko kung saan lumabas sa survey na dalawa sa bawat tatlong Pilipino ang tutol sa Cha-cha.
Kaugnay nito, nagsimula na ang Senado na himayin ang draft federal constitution na ginawa para sa isinusulong na federal system ng pamahalaan.
Sa hearing ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes at Committee on Electoral Reform, tinukoy ng Con-com o Consultative Committee hindi na matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo ang kanilang termino sakaling maisabatas na ang pagbabago sa konstitusyon.
Tinukoy sa draft na magpapatawag ng eleksyon ang naupong pangulo para maghalal ng transition president at transition vice president na tatapos sa termino ni Duterte at Robredo hanggang Hunyo 2022.
Batay sa draft ay hindi na maaring kumandidato sa 2022 si Pangulong Duterte.
Matatandaang mismo ang Pangulo ang humiling sa Con-com na ilagay ang probisyon na magbabawal sa kanya sa pagkandidato sa susunod na presidential elections.
Ngunit duda dito si dating Chief Justice Hilario Davide Jr.
Kung susuriing mabuti, hindi aniya ipinagbabawal sa naging draft ang muling tumakbo ang Pangulo bilang transition president at malaki rin ang tiyansa na maging transition vice – president si dating Senador Bongbong Marcos sakaling kunin siyang ka-tandem ng Pangulo.
Malacañang
Kinontra ng Malacañang ang mga espekulasyon na lalagpas sa kanyang termino si Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng isinusulong na transition form of government patungo sa pederalismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mapanlinalang ang pahayag na lalampas sa termino ang Pangulo.
Paulit ulit na aniyang sinabi ng Pangulo na mas maaga siyang bababa sa puwesto ngunit hindi niya palalawigan ang kanyang termino.
Kasabay nito nagpasalamat ang Malacañang sa constitutional committee sa paglagay ng probisyon na nagbabawal kay Pangulong Duterte na tumakbo sa 2023.—Rianne Briones
—-