Dumaong ang isang Chinese reasearch and surveillance ship sa Sasa Wharf sa Davao City noong Lunes ng gabi.
Ito ang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng pangamba ng ilan sa tunay na pakay ng Yuan Wang 3 sa karagatan ng bansa.
Ayon kay Lorenzana, mayroong approval ang naturang barko dahil nai-coordinate ito ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Aniya, simpleng nag-replenish lamang ng supplies ang naturang barko kaya ito dumaong sa pantalan.
Ang naturang barko ay mayroong matinding satellite capabilities at pinaniniwalaang nasa ilalim ng control ng People’s Liberation Army.
Matatandaag nito lamang nakalipas na buwan ay magkasunod na nag-landing ang dalawang malaking military cargo sa Davao International Airport para magpa-refuel.
Kaugnay nito, kinalma ng Philippine Navy ang publiko sa pagdaong ng isang Chinese vessel sa Sasa Wharf sa Davao City noong Lunes.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Commander Jonathan Zata, walang kakaiba sa pagdaong ng Yuan Wang 3 dahil maging ang iba pang mga dayuhang warship at civilian vessel ay nagkakaroon ng port visit sa bansa.
Hindi rin ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumaong ang isang Chinese ship sa Davao dahil noong Abril ay dumaong din sa naturang pantalan ang isang Chinese destroyer ship.
Kinumpirma ni Zata na mananatili ang naturang barko sa Davao hanggang sa Huwebes, Hulyo 19.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pangamba dito si Magdalo Party-list Representative Gary Alejano.
Aniya, noong unang beses na dumaong ang naturang barko sa Davao City noong 2010 ay hindi nito pinapasok ang mga opisyal ng Bureau of Customs at local media.
—-