Nakauwi na sa bansa ang limampu’t isang (51) distressed Overseas Filipino Workers o OFWs na mula sa United Arab Emirates.
Ayon kay Charge D’affairs Rowena Pangilinan-Daquipil ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, nagtungo ang naturang mga OFW doon bilang mga turista at nakakuha ng trabaho, ngunit hindi nagtagal ay iniwan sila ng kanilang mga “sponsor” at ahensya.
Nakaranas din umano ang iba ng pangmamaltrato, pang-aabuso at hindi binabayaran ng tamang sahod.
Gayunman tiniyak ni Daquipil na patuloy na nakikipag-uganayan ang embahada sa mga opisyal ng UAE para matugunan ang mga pangangailangan ng OFW sa kanilang bansa at upang matiyak na rin ang proteksyon ng kanilang karapatan.
Batay sa tala ng DFA umabot na sa 702 OFW ang kabuuang bilang ng mga migranteng manggagawa na nakabalik na sa bansa mula sa UAE ngayong taon.
—-