Tiniyak ng mga senador at congressmen na papasa sa constitutionality test ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon kay Congressman Celso Lobregat, miyembro ng Bicam, tiniyak nilang pasok sa konstitusyon ang lahat ng mga probisyon at mga salitang ginamit sa BBL kayat tumagal ang Bicam ng anim na araw.
Sa ilalim anya ng Bicam, tinanggal nila ang anumang salita tulad ng self-determination o independence at binigyang diin na mahalagang bahagi ng Pilipinas ang Bangsamoro kaya’t hindi ito puwedeng humiwalay sa bansa.
Tinatayang 60 bilyong piso kada taon o limang porsyento ng koleksyon ng buwis ang pondo ng Bangsamoro subalit gagastusin ito ng nang naaayon sa panuntunan ng Department of Budget and Management o DBM.
Sakop pa rin sila ng Commission on Audit o COA at ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Lobregat na tiniyak rin nilang naaayon sa konstitusyon ang paglalagay ng pulis at militar sa Bangsamoro.
Gayunman, hindi inaalis ni Lobregat na makuwestyon sa Korte Suprema ang sistema ng pagbibilang ng boto kapag isinalang sa plebisito ang BBL.
Sa ilalim anya ng BBL, isang boto lamang ang bilang sa mga lalawigang isasama sa bagong Autonomous Region.
Ibig sabihin, kahit manalo ang no vote sa isang lalawigan at ayaw nila sa BBL, isasama pa rin sila sa bagong rehiyon kapag mas maraming lalawigan ang bumoto ng yes.
MILF
Samantala. umaasa ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na mananalo sa plebisito ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa Lunes, inaasahang isasabatas ng Pangulong Rodrigo Duterte ang BBL upang maisalang sa plebisito sa Nobyembre.
Ayon kay Mohaguer Iqbal, dating chief negotiator ng MILF sa peace talks, 85 hanggang 90 porsyentong naaayon sa nilagdaan nilang peace agreement noong 2014 ang BBL.
Masaya anya ang MILF sa bersyon ng BBL na ipinasa ng mga mambabatas kaya’t umaasa silang susuportahan rin ito ng kanilang mga mamamayan sa plebisito.
Panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino nalagdaan ang peace agreement sa MILF subalit nabigo ang Kongreso na maipasa noon ang BBL.
—-