Bumaba na 16.5 meters ang water level sa Marikina River ngunit nananatili parin itong nakataas sa alert level 2.
Dahil dito, patuloy na pinapayuhan ng Marikina Rescue 161 ang mga naninirahan malapit sa naturang ilog na lumikas at pansamantala munang manatili sa mga itinalagang evacuation centers.
Binalaan naman ng mga otoridad ang mga residente doon na iwasang maligo sa Marikina River dahil sa dala nitong panganib.
Samantala, ilang bahay sa Barangay Malanday ang pinasok na ng baha, habang malaking bahagi ng Riverbanks ang hindi na madaanan ng maliliit na sasakyan dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga kalsada.
Patuloy namang nag-iikot sa palibot ng Riverbanks ang Marikina rescue team upang asistehan ang mga posibleng nangangailangan ng tulong.
4,000 residenteng malapit sa Marikina River, inilikas
Nagpatupad na ng pre-emtive evacuation ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa mga residenteng nasa paligid ng Marikina River.
Ito’y ayon sa rescue 161 o MDRRMO o Marikina Disaster Risk Reduction and Management Office ay matapos sumampa sa critical level na 17.3 meters ang lebel ng tubig sa naturang ilog sa bahagi ng Barangay Sto. Niño.
Dahil dito, nakataas na ang ikalawang alarma sa naturang ilog na nangangahulugang kailangan nang ilikas ang mga residenteng malapit dito.
Kaugnay niyan, inihayag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, aabot sa 4,000 residente partikular na sa Barangay Sto. Niño ang sapilitang inilikas dahil sa pangambang pag-apaw ng ilog.
(Jaymark Dagala)