Nakatakdang magsagawa ng massive information campaign ang binuong Con-Com o Consultative Commission upang lalo pang palakasin at palawakin ang kamalayan ng mga pilipino hinggil sa pederalismo.
Ito ang inihayag ni Dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, chairman ng binuong komite makaraang lumabas sa mga survey firms na kakaunti lamang sa mga pilipino ang may alam hinggil sa federalismo kaya’t marami ang tumututol dito.
Ayon kay Puno, maituturing na malaking hamon para sa kanila ang mga naglabasang survey lalo’t naniniwala silang maganda naman ang maibubunga nito para i-angat ang kabuhayan ng mga pilipino sa pamamagitan ng maganda at mas epektibong pamamahala partikular na sa lokal na lebel.
Gagawin aniya nila ang naturang hakbang sa sandaling mai-turn over na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kongreso ang kopya ng draft federal charter sa Lunes, mismong araw ng SONA o State of the Nation Address ng punong ehekutibo.
Magugunitang lumabas sa survey ng SWS o Social Weather Stations na isa sa apat na mga pinoy ang may alam sa federalismo habang ayon naman sa Pulse Asia, mayorya sa mga pinoy umano ang tutol sa pagpapalit ng sistema ng pamamahala.