Naihatid na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino ang kanyang ikatlong State of the Nation Address o SONA kahapon.
Tumagal ang talumpati ng Pangulo ng 48-minuto na pinalakpakan ng 34 na beses.
Sumentro ang SONA ni Pangulong Duterte sa illegal na droga, terorismo, TRAIN Law at pederalismo.
Sinunod din ni Pangulong Duterte ang kanyang nakahandang talumpati na nagsasaad ng mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng dalawang taon.
Bahagi din ng talumpati ng Pangulo ang paglatag ng mga plano niya pang gawin sa natitira niyang termino sa puwesto.
Hindi naman nakitaan ng mahahabang impromptu speeches ang SONA kung saan kilala ang Pangulong Duterte.
Kapansin-pansin din sa naging talumpati ng pangulo na wala ito halong pagmumura.
Gayunman, naantala ang talumpati ni Pangulong Duterte ng isang oras at dalawampu’t isang minuto na dapat sana ay nagsimula ng alas- 4:00 ng hapon.
PNP-AFP
Pangkalahatang namang naging mapayapa ang naging State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ito sa naging pagtaya ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Task Force SONA 2018 Head, Chief Superintendent Guillermo Eleazar sa lahat ng mga pulis at sundalong nagbantay at nagbigay seguridad sa SONA.
Nagpasalamat din si Eleazar sa mga nagkilos protesta dahil tinupad nito kasunduang maging mapayapa at maayos ang mga pagkilos.
SONA protests
Naging mapayapa ang inilunsand na kilos protesta ng pro at anti-Duterte kasabay ng SONA kahapon.
Tinatayang nasa 40,000 mga raliyista ang nagmartsa at nakiisa sa United People’s SONA na inilunsad ng iba’t ibang militanteng grupo sa Commonwealth.
Naging highlight ng naturang pagkilos ay ang pagsunog sa dambuhalang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte sakay ng isang tren.
Idinaan sa sigawan, musika at sining ng mga nagkikilos-protesta ang kanilang pagkadismaya sa pamamahala ni Duterte at sa mga pangako nitong napako.
Partikular na naging kabiguan umano ng Pangulo ay ang madugong giyera kontra droga, kawalan ng respeto sa karapatang pantao, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, malalang korupsyon at pagsusulong ng pederalismo.
Kabilang sa mga nagsalita sa entablado ay si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares at iba pa.
Samantala, nasa sampu (10) hanggang labing limang (15) supporters naman ni Pangulong Duterte ang lumahok sa pro-Duterte rally.
Dumalo sa naturang pagtitipon sina DILG Undersecretary Martin Diño at Presidential Adviser Francis Tolentino.
—-