Hinikayat ni Senador Cynthia Villar ang Department of Justice o DOJ at Philippine Competition Commission o PCC na kasuhan ang mga natukoy nang rice hoarders at cartel ng bigas.
Binigyang diin ni Villar na dapat may masampolan na ang DOJ at PCC upang maipakita na naipatutupad ang batas.
Una rito, sa kanyang State of the Nation Address o SONA, inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensya ng pamahalaan na sugpuin ang mga nananabotahe sa ekonomiya ng bansa lalo na ang mga smugglers at cartel ng bigas.
Matatandaan na isang Davidson Bangayan alias David Tan ang itinuro mismo ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nasa likod ng smuggling ng bigas.
Napag-alamang kinasuhan ng NBI sa DOJ si Bangayan subalit ibinalik lamang ng DOJ sa NBI ang kaso dahil umano sa kawalan ng ebidensya.
Taripa sa imported na bigas
Samantala, dapat nang madaliin ang pagpasa ng batas na magpapataw ng taripa sa imported na bigas.
Ayon kay Senador Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, kailangan nang ipatupad ang free trade sa pag-angkat ng bigas upang hindi tayo pagmultahin ng World Trade Organization o WTO.
Bahagi anya ito ng pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa WTO para sa pagpapatupad ng quantitative restriction sa pag-angkat ng bigas.
Gayunman, July pa aniya ng nakaraang taon ay nag-expire na ang quantitative restriction kaya’t kailangan nang patawan ng taripa ang bigas.
Upang ihanda ang mga magsasaka sa pagpasok ng mga imported na bigas, sinabi ni Villar na nangako ang Department of Finance na maglalaan ng 10 bilyong piso para sa mga magsasaka.
Gagamitin anya ang pondo para ma-mechanized ang produksyon ng bigas at mabawasan ang labor cost at sa produksyon ng mas magandang binhi para mapalaki ang ani.
Ipinaliwanag ni Villar na kung mahina ang suporta sa magsasaka, malabo itong maging competitive kahit pa patawan ng taripa ang imported rice dahil mas mababa ang production cost ng ibang bansa.
Tinukoy ni Villar ang Vietnam na P6 lamang ang production cost sa kada kilo ng palay gayung P12 ang sa Pilipinas.
—-