Dead-on-the-spot ang isa sa mga suspek sa pamamaslang sa radio broadcaster na si Edmund Sestoso ng DYGB 91.7 FM-Dumaguete, matapos tambangan ng riding-in-tandem sa bayan ng La Libertad, Negros Oriental.
Kinumpirma ni Negros Oriental Provincial Police acting Director, Senior Superintendent Raul Tacaca na pauwi na si Richard Bustamante mula sa sabungan nang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin.
Sugatan naman ang kasama ni Bustamante na si Jerryl Dellantes na kasalukuyang nasa Guihulngan District Hospital.
Narekober naman sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng kalibre .45.
Pinaniniwalaang kaanak ng biktima si Rene Bustamante na isang “high-ranking” leader ng New People’s Army o NPA sa Negros na inakusahang utak sa pagpatay sa mamamahayag.
Bagaman iniimbestigahan na ng La Libertad Municipal Police ang insidente, aminado naman ang mga awtoridad na hindi nila batid ang kaugnayan ang biktima sa pagpatay kay Sestoso.
—-