Kumpiyansa ang Department of National Defense na abot kamay na ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
Ito’y makaraang lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law dalawang araw matapos ang kaniyang SONA o State of the Nation Address.
Ayon kay Defense Spokesman Arsenio Andolong, handa silang tumulong sa mga kapwa Pilipino sa Bangsamoro na simulang muli ang kanilang buhay, paghilumin ang sugat ng digmaan at pag-isahin ang mga mamamayan matapos ang ilang dekadang bakbakan.
Kasunod nito, nanawagan si Andolong sa iba pang mga grupong kumakalaban sa pamahalaan na sumunod na sa naging hakbang ng MILF o Moro Islamic Liberation Front at MNLF o Moro National Liberation Front na piniling umupo at makipag-usap sa halip na magmatigas sa pakikipaglaban.
Sa katunayan, libu-libong mga dating komunista na ang nagbalik loob sa pamahalaan at ngayo’y tahimik nang namumuhay kasama ang pamilya at nakikinabang sa mga ayudang ibinibigay ng pamahalaan.
Sa huli, nanindigan si Andolong na mas makabubuti sa ngayon ang mga localized peacetalks partikular na sa NPA o New People’s Army dahil mas mararamdaman ng mga ito ang presensya ng pamahalaan.