Bukas ang QCPD o Quezon City Police District sa anumang imbestigasyon sa pagkamatay ni Angelito Avenido Jr, ang suspek sa pagpatay kay Office of the Ombudsman Special Assistant Prosecutor Atty. Madonna Joy Tanyag.
Ito ang tiniyak ni QCPD Director C/Supt. Joselito Esquivel makaraang maghayag ito ng kalungkutan sa sinapit ni Avenido lalo pa’t hindi pa umuusad ang kasong robbery with homicide na isinampa laban sa kaniya.
Kaugnay nito, isinuko na ng tumayong escort police ni Avenido na si PO3 Ramil Langa ang kaniyang service firearm na inagaw umano ng suspek sa SOCO o Scene of the Crime Operatives para isailalim sa pagsusuri.
Napag-alamang hindi nakaposas si Avenido habang sumasailalim sa booking, fingerprint at mug shot procedure sa Kampo Karingal bago dalhin sa Quezon City Jail kahapon ng umaga.
Ito ang dahilan kaya’t nakakita ng paraan si Avenido upang maagaw nito ang baril ni Langa subalit nagpangbuno sila at nabaril ang suspek sa ilalim ng kaniyang panga.
Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa lugar kung saan namatay si Avenido ang tatlong basyo ng bala mula sa baril ni Langa.
Nagawa pang isugod sa East Avenue Medical Center si Avenido subalit hindi na ito umabot pa ng buhay at idineklara na iyong dead on arrival.
Naipaalam na ni Esquivel ang pangyayari kay NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar.