Ihihirit ng mga samahan ng mga panadero na maitaas ang presyo ng kanilang mga produktong tinapay.
Ayon kay Philippine Federation of Bakers Association Incorporated Head Chito Chavez, ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng asukal at liquefied petroleum gas o LPG na kabilang sa mga pangunahing kailangan sa paggawa ng tinapay.
Sinabi ni Chavez na makikipagpulong sila sa Department of Trade and Industry o DTI para marepaso ang presyo ng kanilang mga tindang produkto.
“Sa ngayon po ang naging suliranin ay ang pagtaas ng presyo ng asukal at LPG, ang asukal po ay isa ito sa mga component ng tinapay o pangalawa sa pinakamataas na ginagamit sa ingredient ng tinapay kaya kapag gumalaw ang presyo niyan apektado ang ating mga tinapay na ginagawa ng mga panaderya, at gumalaw na ang presyo ng LPG, kahapon ay nagkaroon ng announcement, hindi pa kami nagre-reorder sa ngayon, ang LPG po ay isang component na napakalaki dahil ang ating mga hot pandesal owner ay ito lang ang ginagamit na panggatong.” Ani Chavez
Samantala, ipinabatid naman ni Chavez na sapat at stable ang suplay at presyo ng harina.
“Ang magandang balita po ay walang paggalaw sa presyo ng harina, kung ito ay nagkaroon ng paggalaw noong mga nakaraang araw isa po itong pasanin ng industriya at ipapasa naman sa mga consumer, pero magandang pangyayari dahil hindi po gumalaw ang presyo niyan.” Pahayag ni Chavez
Epekto ng TRAIN Law
Nilinaw ngayon ni Philippine Federation of Bakers Association Incorporated na maliit lamang ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law sa presyo ng mga tinapay.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PFBAI Head Chito Chavez na hindi naman masyadong nakaapekto sa presyo ng mga ginagamit nilang sangkap sa paggawa ng tinapay ang ipinatupad na bagong reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan.
Mas nababahala aniya ang kanilang hanay sa paghina ng piso kontra dolyar lalot ang trigo na ginagawang harina ay inaangkat ng Pilipinas.
“Ating titingnan kung anong magiging epekto nito, ang puwedeng maging suliranin ng industriya ay ang pagtaas ng ating dollar kontra piso, alam naman natin na ang harina ay isang imported product at anytime ‘yung mga component nating ginagamit sa ating produkto kapag naapektuhan ‘yan sa pagtaas ng dolyar o pagbaba ng piso puwede po itong makaapekto sa industriya ng tinapay.” Dagdag ni Chavez
(Balitang Todong Lakas Interview)