Tila binawi ng Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pagpapadala ng frigate o warship sa Libya para iligtas ang tatlong Pilipinong dinukot ng armadong grupo rito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinutulan ng mga miyembro ng gabinete ang naturang plano ng Pangulo.
Sa halip na frigate ipinabatid ni Roque na magpapadala na lamang ang Pangulo ng isang high level delegation o task force na pangungunahan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Ayon pa kay Roque, ang grupo ni Cayetano ang makikipag-negosasyon o hakbang para mailigtas ang mga Pilipinong bihag kasama ang isang Korean.
Kinumpirma na rin ni Cayetano ang high level team na binubuo nina Labor Secretary Silvestre Bello III, DENR Secretary Roy Cimatu, Presidential Adviser on OFWs Abdullah Mamao at Mindanao Development Authority Chairman Abul Khayr Alonto para mapalaya ang mga binihag na Pinoy sa Libya.
—-