Humingi ng paumanhin ang Department of Transportation o DOTr at Metro Rail Transit-3 sa anumang naidulot na abala ng insidente ng pagtulo ng tubig mula sa air-conditioning unit sa loob mismo ng isang bumibiyaheng tren kahapon.
DOTr, humingi ng paumanhin sa mga naperwisyong pasahero matapos na magkaroon ng pagtagas sa loob ng tren ng MRT mula sa isang air-con unit nito. pic.twitter.com/PdzJ84DSGL
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) August 8, 2018
Ayon sa DOTr-MRT-3, taong 2008 pa nang huling mapalitan ang air-con ng mga tren bilang bahagi ng unang system’s general overhaul nito matapos ang walong taon simula ng operasyon ng MRT-3 noong 2001.
Paliwanag ng DOTr-MRT 3, dapat ay isinasagawa ang general overhaul sa mga tren kada walong taon kung saan pinapalitan din ang mga air-con unit ng mga ito.
Nakumpleto anila sana ang ikalawang general overhaul noong 2016 pero dahil tinanggal ang dating maintenance provider ng MRT-3 tanging tatlo mula sa 72 bagon lamang ang sumailalim sa overhaul.
Tiniyak din ng ahensiya na nakabili na ang MRT-3 transition team ng mga bagong air-con units at inaasahang darating ngayong buwan ng Agosto.
Naging viral sa social media ang video ng ilang mga nakapayong na pasahero habang nakasakay sa MRT dahil sa naranasang malakas na pagtulo ng tubig sa loob mismo ng tren.
—-