Inalmahan ng mga grupo ng magsasaka at mangingisda ang panukalang tanggalin ang taripa sa mga imported agricultural at fisheries product partikular sa karneng manok, baboy at isda.
Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines o AGAP President Nicanor Briones, nababahala sila sa planong alisin ang taripa sa karne at isda lalo’t posibleng bumagsak ang sektor ng agrikultura na ikalulugi naman ng mga mangingisda at magsasaka.
Nakasalalay anya rito ang food security ng bansa dahil sa sandaling malugi ang mga mangingisda at magsasaka ay tiyak na apektado ang taumbayan.
Iginiit ni Briones na tanging mga importer, trader at retailer ang makikinabang sa planong tapyasan ang taripa sa imported agricultural at fisheries product.
Naniniwala naman ang agap na gagawing ligal ng gobyerno ang smuggling dahil kahit sino ay maaaring mag-angkat ng karne, isda at iba pang agri-products mula sa ibang bansa.
Samantala, ipinanukala naman ni Briones na tapyasan na lamang ng taripa ang mga produktong petrolyo upang mapahupa ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
(Ulat ni Gilbert Perdez)