Umapela ang Metropolitan Manila Development Authority sa publiko na subukan muna ang kanilang mga bagong traffic scheme na layong paluwagin ang lagay ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa kalakhang Maynila.
Ito ay kaugnay sa mga batikos na tinatanggap ng ahensya na may kinalaman sa ipatutupad na pagbabawal sa pagbiyahe ng mga sasakyan na drayber lamang ang laman.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, oras na ipatupad ang single driver ban sa EDSA na sasabayan pa ng provincial bus ban ay baba ang travel time ng 180 percent mula north at south ng EDSA at bibilis naman ang takbo ng mga sasakyan ng 150 percent.
Binigyang diin ni Garcia na hindi naman ito permanente at hindi rin bente kwatro oras na ipatutupad kayat mainam kung bigyan muna aniya ng pagkakataon bago magreklamo.
Kayat payo opisyal, ngayon pa lang ay planuhin na ang biyahe at mamili na lamang kung magka-car pooling o kung magko-commute man ay agahan na lang ang alis.
Batay sa plano ng MMDA, iiral ang single driver ban sa EDSA tuwing alas siete hanggang alas dies ng umaga at alas sais hanggang alas nuebe ng gabi.