Pinangalanan na ni National Team Head Coach Yeng Guiao ang dalawang manlalarong kukumpleto sa 12-man roster ng Philippine basketball team para sa 2018 Asian games.
Pasok sa final line up, ang Filipino-American Cleveland Cavaliers guard na si Jordan Clarkson at Asi Taulava ng NLEX Road Warriors.
Dahil dito, makakasama nina Clarkson at Taulava ang naunang napiling sampu na kinabibilangan nina Magnolia guard Paul Lee, Northport Slasher na si Stanley Pringle, San Miguel Beermen Christian Standhardinger, Blackwater big man JP Erram at Rain or Shine players na sina Gabe Norwood, Chris Tiu, James Yap, Beau Belga, Raymond Almazan at Maverick Ahanmisi.
Aminado si Guiao na wala pang garantiya kung makakapaglaro nga para sa national team si Clarkson ngunit nais aniya nilang masiguro ang slot para sa NBA player.