Maihahalintulad sa pananalasa ng Bagyong Ondoy nuong 2009 ang naranasang malawakang pagbaha sa Marikina City bunsod ng maghapon hanggang sa magdamag na pag-ulan.
Ganito ang paglalarawan ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro matapos umabot ang lebel ng tubig sa Marikina River sa dalawampung metro na siyang dahilan para i-akyat ang ikatlong alarma at sapilitang ilikas ang mga residenteng nasa tabi ng ilog.
Sa panayam ng DWIZ kay Teodoro, tinatayang nasa mahigit apat na libong pamilya ang kasalukuyang nananatili ngayon sa mga evacuation center lalo na iyong mga residente sa mga barangay barangka industrial valley complex at santo niño.
“Napakarami pa sa ngayon, sa huling tala namin nasa dalawampung libo maliban doon sa mga hindi pumunta ng evacuation center. Maliban sa nagsilikas sa mga bahay ng kaibigan nila, kamag-anak, ang iba naman nanatili na lang sa kanilang bahay dahil hindi na nga nakalabas dahil sa tubig baha. “
Kasalukuyan din aniyang nag-iikot ang ipinakalat nilang mga rescue boat partikular na sa paligid ng Barangay Tumana at iba pang barangay na malapit sa ilog upang ilikas.
Kasunod nito, umapela rin ang alkalde sa publiko para sa anumang donasyon tulad ng pagkain, tubig, gamot at kumot para sa mga apektado nilang residente.
“Nanawagan kami sa lahat ng kababayan natin na may magandang kalooban kung maari matulungan natin ang mga evacuees natin.”
(Todong Nationwide Talakayan interview)
Makapal na putik sa mga daan, bumulaga sa mga residente ng Marikina
Binulaga ngayong linggo ng umaga ang mga residente ng Marikina City ng makapal na putik sa mga daan dulot ng malakas na buhos ng ulan na pinaigting ng hanging habagat.
Ayon sa Marikina Rescue 161, binalot din ng matinding putik, maging ang mga tahanan at imprastraktura na nakatayo malapit sa Riverbank dahil sa naranasang pagbaha sa lunsod.
Pahayag ng Rescue 161, nananatili pa ring mataas ang libel ng tubig sa Marikina River na sinabayan ng malakas na agos nito.
Samantala, humupa na ang mga pagbaha sa malaking bahagi ng Marikina City kaya’t kaniya-kaniya nang linis at kayod sa naiwang makapal na putik ang mga residente doon.
Nilubog rin sa baha ang Fernando Ave. kanto ng Marcos Highway dahil sa walang tigil na pag-ulan kahapon hanggang kagabi.
Dahil dito, kinailangang mag-deploy ng personnel ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA upang isaayos ang traffic situation sa lugar.
(Jopel Pelenio)