Nagkasundo ang mga senador na huwag nang maglabas ng iisang posisyon sa usapin ng isinusulong na cash-based budgeting system ng Department of Budget and Management o DBM para sa proposed 2019 national budget.
Ito ay ayon kay Senate President Vicente Sotto III, bagama’t may kanya-kanyang pananaw sa usapin ang mga senador.
Ayon kay Sotto, hahayaan na muna nilang maresolba ng Kamara de Representantes ang isyu sa gagamiting budgeting system.
Nakasaad din naman aniya sa konstitusyon na kinakailangan munang maipasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang pambansang budget bago ito maaaring aksyunan ng Senado.
Sinabi ni Sotto, bagama’t walang nagkakaisang posisyon ang mga senador sa usapin ng cash based budgeting, nagkakaisa naman sila sa paninindigang hindi dapat maging re-enacted ang proposed 2019 national budget.
(Ulat ni Cely Bueno)