Isinulong sa Senado na ideklarang national day of remembrance ang August 16 para sa mga biktima ng EJK o extrajudicial killings.
Sa resolusyong inihain ni Senador Risa Hontiveros, ang araw ng kamatayan ng binatilyong si Kian delos Santos ang nagpatindi ng galit at bumuhay sa kamalayan ng mamamayan sa nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa sa mga kabataan.
Ang pag-alala aniya sa mga biktima ng EJK ay pagpapahayag ng pagtutol sa kultura ng pagpatay, pagkunsinti at pagpapawalang bahala sa due process.
August 16 nang maganap ang kontrobersyal na pagpatay ng mga pulis-Caloocan kay Delos Santos sa isang anti-drug operations dahil sa alegasyong nagtutulak ito ng bawal na gamot na hindi naman napatunayan.
Unang anibersaryo ng kamatayan ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos inalala
Ginugunita ngayon ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Kian delos Santos, ang binatilyong napatay ng mga pulis-Caloocan sa kanilang anti-drug war.
Tatlong pulis-Caloocan ang isinakdal sa pagkamatay ni Delos Santos matapos umamin ang mga ito sa hearing ng Senado na sila ang bumaril kay Delos Santos sa kabila ng kawalang ebidensya na sangkot ito sa illegal drugs.
Sa ngayon ay nagsimula nang mag-prisenta ng kanilang depensa ang tatlong pulis matapos ang presentasyon ng mga ebidensya at testigo ng panig ng biktima.
Gayunman, dismayado si Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office (PAO) dahil hindi ginamit ng prosecution ang findings ng kanilang forensic expert na si Dr. Erwin Erfe na tatlong beses binaril si Delos Santos.
Dahil dito, sinabi ni Acosta na nagpaalam na siya sa judge na kakalas o mag-li-leave na lamang muna siya sa kaso.
Isang araw bago ang anibersaryo ng kamatayan ni Delos Santos ay nagbigay pugay na sa kanyang puntod ang kanyang mga mahal sa buhay.
(Ulat ni Cely Bueno)