Nananatili pa rin sa bansa si Richard Sta. Ana, ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa kanyang sariling asawa at sampung buwang gulang na anak sa Laguna.
Ito ang tiniyak ni Public Attorney’s Office o PAO na siyang tumatayong abogado ni Sta. Ana.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, nagtungo pa si Sta. Ana sa tanggapan ng PAO nitong Miyerkoles nang malamang itinuturing na siyang mastermind sa nabanggit na krimen kasunod ng pagkakaaresto sa pangalawang suspek.
Sinabi pa ni Acosta, hindi siya naniniwalang ipinag-utos ni Sta. Ana ang pagpatay sa kaniyang asawa at anak.
Iginiit ni Acosta, tanging naka-droga lamang ang makagagawang patayin ang isang sampung buwang gulang na sanggol at malabo aniyang drug addict si Sta. Ana dahil isa itong nurse.
Una nang sinabi ng pulisya na nakatakda silang magsampa ng panibagong kaso laban kay Sta. Ana kasunod naman ng pagkakaaresto sa pangalawang suspek sa pagpatay sa kanyang mag-ina na si Brian Avestado.
—-