Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng driver-only car ban o ang pagbabawal sa mga single o sasakyang tanging driver lamang ang sakay na dumaan sa EDSA tuwing rush hour.
Ito’y ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia kasunod ng naging pasya ng Metro Manila Council (MMC) sa kanilang pagpupulong kahapon.
Magugunitang umani ng kaliwa’t kanang reaksyon mula sa mga motorista at netizen ang pagpapatupad ng MMDA sa naturang traffic scheme na layong ibsan ang mabigat na daloy ng trapiko partikular na sa EDSA.
Sinabi naman ni MMC president at Quezon City Mayor Herbert Bautista, pag-aaralan ng iba pang lungsod tulad ng Mandaluyong, Pasig, Taguig at San Juan kung epektibo ba ang nasabing dry run sa buong kalakhang Maynila.
Dahil dito, hinimok ni Garcia ang mga motorista na subukan ang ride-sharing o carpooling kahit wala pa silang itinatakdang multa bilang parusa sa high occupancy vehicle (HOV) scheme bagama’t maaari naman itong pagmultahin ng P1,000.