Tatlong opisina ng LTO o Land Transportation Office sa Quezon City ang nilooban.
Kabilang dito ayon kay LTO Law Enforcement Director at Spokesman Francis Almora ang tanggapan ng data control unit, custodial at investigation division.
Sinasabing natuklasan lamang kaninang umaga ng mga trabahador ang panloloob matapos makitang nakabukas ang mga ilaw at magulo ang mga opisina sa ikalawang palapag ng gusali.
Lumalabas na dumaan ang mga magnanakaw kung saan naka puwesto ang aircon units.
Sinabi ni Almora na wala namang nanakaw na mga mahalaga at sensitibong dokumento dahil hindi naman nagalaw ang kanilang files maliban lamang sa drawer ng mga empleyado nila.
Ipinatawag na aniya para sa kaukulang imbestigasyon ang mga construction worker mula sa kalapit na gusali maging ang mga nag ta-trabaho sa renovation ng law enforcement service building.