Minaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kakayahan ng kanyang pinakamatinding kritiko na si Senador Antonio Trillanes IV.
Ito ay matapos kuwestiyonin ni Pangulong Duterte kung paanong nakapagtapos nang cum laude si Trillanes sa Philippine Military Academy (PMA) kahit pa mababa aniya ang intelligence quotient (IQ) nito at hindi magandang pag-uugali.
Ang naturang komento ng pangulo ay kasunod naman ng naging pahayag ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano, kapartido ni Trillanes na isang pabuya ang pagkakatalaga kay Associate Justice Teresita Leonardo De Castro bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, wala na aniyang magandang sinasabi ang dalawang mambabatas kundi mga malisyosong pahayag.