Ipagbabawal na sa white beach ng Boracay ang paninigarilyo at pag-inom ng alak sa sandaling buksan muli sa mga turista ang isla sa Oktubre.
Ito, ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ay para sa kaligtasan ng publiko lalo’t takot ang ibang turista na mag-paa sa pangambang maka-apak ng bubog o basag na bote.
Maaari naman aniyang manigarilyo at uminom ang mga turista sa hotel o resort na kanilang tinutuluyan.
Una ng inihayag ni Puyat na ipagbabawal na rin ang malalaki at maiingay na party tulad ng ‘LaBoracay’ sa muling pagbubukas ng isa sa pangunahing tourist destination sa bansa.