Patuloy ang pag-iral ng habagat bagamat nakakaapekto na lamang ito sa Northern Luzon.
Ipinabatid ng PAGASA na makakaranas ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtaman subalit paminsan-minsang malalakas na pag-ulan ang asahan sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Apayao.
Ang nalalabing bahagi naman ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, buong Visayas at Mindanao ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, isang bagyo naman ang namataan sa layong mahigit 3,000 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay ng nasabing bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 100 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa mahigit 100 kilometro kada oras.
Sinabi ng PAGASA na mababa ang tiyansa ng nasabing sama ng panahon na pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR subalit patuloy nila itong babantayan.
—-