Inisa-isa ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga dahilan kung bakit dapat nang buwagin ang National Food Authority (NFA).
Ayon kay Gatchalian, isa sa pangunahing rason ay dahil hindi na nito nagagampanan ang tungkulin na tiyakin na may NFA rice sa mga pamilihan at panatilihing stable ang presyo at suplay nito sa bansa.
Sinabi pa ni Gatchalian na sayang din ang pitong bilyong pisong subsidy na binibigay sa NFA kada taon dahil hindi naman aniya nagagamit sa tama.
Isa rin umanong dahilan ang malaking posibilidad na pagbaba ng presyo ng bigas sa halos P10 kada kilo kapag binuwag ang NFA dahil tiyak na papayagan na ang importasyon ng mas murang bigas.
Kaugnay nito, iginiit ni Gatchalian na sa tatlumpung taong pag-iral ng NFA, panahon na aniya para aminin na bigo ito sa kanilang trabaho, kaya’t kailangan na umanong maghanap ng paraan para masulosyunan ang problema sa bigas tulad ng isinusulong na rice tariffication.