Ginisa ng ilang kongresista sa budget hearing ang mga opisyal ng National Food Authority o NFA sa gitna ng manipis na supply at mataas na presyo ng bigas lalo sa ilang bahagi ng Mindanao.
Hindi rin naniniwala ang ilang mambabatas na naglalabas ng 4,000 sako ng bigas kada araw ang NFA lalo’t may mga lugar sa ZAMBASULTA o Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na umabot na sa 100 pesos ang kada kilo ng bigas.
Partikular na kinuwestyon ni Zamboanga City 2nd District Representative Jose Manuel Dalipe si NFA Administrator Jason Aquino na agad namang dumipensa sa pag-aming na ipinambayad sa utang ang pondong pambili sana ng palay mula sa mga magsasaka.
Hindi rin aniya sila makabili ng palay dahil sobrang baba ng alok nilang presyong P17 kada kilo.
Samantala, inakusahan naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga rice trader na nagsasamantala sa supply at presyo lalo sa ZAMBASULTA.
Pagbabayad ng NFA ng utang sa halip na bumili ng palay kinuwestyon ng Kamara
Nagpaliwanag si NFA Administrator Jason Aquino sa House Committee on Appropriations hearing kung bakit mas pinili nilang magbayad ng utang sa halip na ipambili ng palay ang inilaang pitong bilyong pisong pondo noong 2016.
Sa pagtatanong ni Committee Chairman Karlo Nograles, ipinunto ni Aquino na sadyang nababaon na sa utang ang NFA.
Sa panig naman ng mga farming sector, inihayag ng Philippine Farmers Advisory Board Chairman Edwin Paraluman na nahihirapang magbenta ng palay ang mga magsasaka sa NFA sa mababang presyo kumpara sa inaalok ng mga rice trader.
Ayon kay paraluman, hindi masisisi ang mga magsasaka na magbenta ng palay sa mga rice trader dahil masyadong mababa ang alok ng NFA na P17 kada kilo.
—-