Kumpiyansa si Senador Antonio Trillanes IV na hindi siya aarestuhin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gayundin at ng military police.
Ito ang reaksyon ni Trillanes makaraang umugong ang balitang sasamantalahin umano ng mga pulis at sundalo ang kawalan ng sesyon mula ngayong araw hanggang sa linggo para siya’y dakpin.
Batay sa impormasyong nakarating sa DWIZ, pinulong umano ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida ang mga pulis mula sa CIDG at mga sundalo para ikasa umano ang pag-aresto sa mambabatas.
Giit naman ni Trillanes, umaasa siyang tatalima ang mga pulis at sundalo sa napagkasunduan nila ng liderato ng Senado na walang mangyayaring pag-aresto.
Hindi ibibigay si Trillanes sa kustodiya ng otoridad
Nanindigan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi nila ibibigay sa kostudiya ng mga pulis at militar si Senador Antonio Trillanes IV.
Iyan ang ipinabatid ni Sotto kasunod ng umugong na balitang aarestuhin anumang oras mula ngayon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng military police ang senador.
Ayon kay Sotto, hindi niya papayagang makapasok sa paligid ng Senado ang mga sundalo kahit ito’y may basbas pa mula sa Malakanyang.
Una nang nagpaabot ng mensahe si Sotto sa Malakanyang na hindi kumikilala sa inilabas na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapa-aresto kay Trillanes.