Dalawang (2) low pressure area (LPA) sa loob ng bansa ang patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Huling namataan ang unang sama ng panahon sa layong 695 na kilometro silangang hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Wala naman itong inaasahang direktang epekto sa bansa at posibleng lumabas na rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw.
Habang huling namataan naman ang isa pang LPA sa layong 130 na kilometro kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Inaasahang namang magiging ganap na bagyo ito sa loob ng 24 oras.
Dahil dito, nakararanas ng pag-uulan na may kasamang pagkulog at pakidlat ang lalawigan ng Palawan at Mindoro.
Samantala, asahan na rin ang maulap na papawirin na may kasamang pag-uulan sa bahagi ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, nalalabing bahagi ng MIMAROPA, Bicol Region at Visayas dahil sa habagat na pinalakas pa ng LPA.