Bubuksan na ng Comelec o Commission on Elections ang paghahain ng kandidatura para sa mga tatakbo sa 2019 mid-term elections.
Batay sa resolusyon ng Comelec, magsisimula na ang filing ng COC’S o Certificates of Candidacy sa Oktubre 1-5 mula alas otso ng umaga hanggang ala singko ng hapon.
Saklaw ng naturang resolusyon ang mga nagnanais tumakbo sa pagka-senador at kongresista maging sa lokal na posisyon mula gubernador hanggang sa konsehal ng bayan.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng poll body ang mga kakandidato na magdala ng limang kopya ng coc’s at dapat itong napanumpaan sa harap ng isang notaryo publiko o kahit sinong opisyal ng gobyerno.
Tanging ang nagnanais tumakbo lamang sa posisyon ang maaaring maghain ng kaniyang kandidatura o di kaya’y kung sinuman ang kanyang authorized representative at hindi rin tatanggapin ang iba pang uri ng paghahain sa pamamagitan ng sulat, e-mail o fax.
Bagama’t walang bayad o libre ang paghahain ng kandidatura, sinabi ng Comelec na may tatlumpung pisong babayaran para sa documentary stamp na kinakailangang ikabit sa orihinal na kopya ng COC.