Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area o LPA sa hilagang bahagi ng Basco, Batanes at pinangalanang ‘Neneng’.
Huling namataan ang bagyo sa layong 120 kilometro Hilaga ng Basco Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.
Inaasahang gagalaw ang bagyo pa timog timog-kanlurang direksyon sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nakataas ngayon ang signal number 1 sa Batanes kung saan mararanasan ang paminsan-minsang pag-ulan na may kasamang bugso ng hangin.
Ayon sa PAGASA, apektado rin ng trough ng bagyo ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte at Apayao na makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar laban sa posibleng landslides at flashfloods.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsiblity (PAR) ang bagyo bukas.
Samantala, huli namang namataan ang papalapit na super typhoon na may international name na ‘Mangkhut’ sa layong 2,440 km Silangan ng Southern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 km/h at pagbugsong aabot sa170 km/h.
Ayon sa PAGASA, papasok sa bansa ang nasabing bagyo sa Miyerkoles. —AR
—-