Inamin ng coaching staff ng Team Pilipinas na dadaan sila sa butas ng karayom sa pagharap sa bigating koponan ng Iran sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ayon kay Coach Yeng Guiao, pinakamalaking sakit sa ulo nila ang beteranong NBA player na si Hamed Haddadi na bukod aniya sa tangkad ay matalino ito at malawak ang karanasan sa international arena.
Isa rin aniya sa pinaghahandaan ng nationals ang malalaking guards ng powerhouse squad tulad nina Nikkha Bahrami at Arsalan Kazemi na kapwa epektibo lalo na sa opensa.
Kaya naman ipinabatid ni Guiao na inabot sila ng magdamag para ma plantsa ang diskarteng ilalatag nila laban sa 2018 Asian Games Silver Medalist.
Subalit tiwala aniya silang makaka abante dahil talented naman aniya ang nasa pool of players nila tulad nina Greg Slaughter, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot.
Bago tumulak patungong Tehran, Iran nagsagawa muna ng final practice ang team kahapon sa Meralco Gym sa Pasig City.
—-