Dumistansiya si Presidential Spokesperson Harry Roque sa umuugong na balitang posibleng magtalaga na ng bagong tagapagsalita at Special Assistant to the President (SAP) si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.
Kasunod ito ng pagtatakda ng Commission on Elections (COMELEC) sa Oktubre 1 hanggang 5 para sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa mga nagpaplanong tumakbo sa May 2019 midterm elections.
Ayon kay Roque, wala pang natatalakay ang Malacañang hinggil sa mga mababakanteng posisyon sa pamahalaan at kung sino ang mga posibleng pumalit sa mga opisyal na maghahain ng kandidatura.
Kasabay nito, iginiit naman ni Roque na wala pa siyang pinal na desisyon nang matanong hinggil sa kanyang plano para sa 2019 midterm elections.
Batay sa ipinalabas na listahan ng PDP-Laban, kabilang sa pinagpipiliang mapasama sa kanilang lineup sa pagka-senador sina Roque at Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
—-