Pinaghahanda na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa ilang lugar sa Luzon na posibleng maapektuhan ng bagyong Mangkhut na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkoles, Setyembre 12.
Kasabay nito, nagsagawa na rin ng pre-disaster risk assessment ang NDRRMC bilang paghahanda sa bagyong Mangkhut na tatawagin namang Ompong oras na pumasok sa bansa.
Pinangunahan ang nasabing pulong ng Office of the Civil Defense kabilang ang mga ahensiya ng pamahalaang responsible sa pagresponde sa mga sakuna tulad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, inaasahang pupulungin din ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang mga ahensiyang kasapi ng NDRRMC.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng matalakay sa nakatakdang cabinet meeting mamaya ang mga ipatutupad na hakbang bilang paghahanda at pagbibigay ayuda sa mga masasalanta ng bagyong Mangkhut.
Stand by funds
Naglaan na ng P1.7 billion na stand by funds ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong mangkhut na inaasahang papasok na sa bansa sa Miyerkoles.
Bukod dito sinabi ni Office of Civil Defense Director Edgar Posadas na nabigyan na rin sila ng abiso ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ipinatutupad na paghahanda ng ahensiya sa mga lugar na posibleng masalanta ng bagyo.
Nagtaas na rin aniya sa blue alert status ang NDRRMC kasunod ng pagpasok sa bansa ng Bagyong Neneng at dalawang araw bago naman pumasok ang Bagyong Mangkhut o Ompong.
Naka-stand by na rin ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) na posibleng itilaga sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Samantala, posibleng mag-landfall sa Batanes o Cagayan area ang bagyong maaaring maging isang super typhoon na inaasahang papasok sa bansa bukas.
Ayon sa PAGASA, posibleng tumama sa kalupaan sa Biyernes o Sabado ang Typhoon Mangkut na papangalanan namang Ompong pagpasok ng PAR.
Inabisuhan naman ng NDRRMC at PAGASA ang mga mangingisda maging ang mga naglalayag iwasang pumalaot sa Philippine sea at eastern seaboard.
Kasalukuyang nananalasa sa bahagi ng Mariana Islands ang nasabing bagyo na inaasahang lalakas sa sandaling lumapit na sa PAR.
—-