Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Neneng na bahagya pang lumakas.
Huling namataan ang bagyo sa layong 295 kilometro Kanluran ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 60 km/h malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 75 km/h.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran timog kanlurang direksyon sa bilis na 20 km/h.
Sa ngayon ay inalis na ang itinaas na signal number 1 sa Batanes pero ayon sa PAGASA patuloy na magdadala ng mahina hanggang sa katamtaman at malalakas na pag-ulan ang trough ng bagyo sa Ilocos Provinces, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Pinag-iingat pa rin ang mga residente sa nasabing mga lugar laban sa posibleng landslides at flashfloods.
Samantala, huling namataan ang super typhoon na papalapit sa bansa na may international name na ‘Mangkhut’ sa layong 1,820 kilometro Silangan ng Southern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 160 km/h at pagbugsong aabot sa 195 km/h.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran sa bilis na 30 km/h at inaasahang papasok sa PAR bukas.—AR
—-