Nakaalerto na ang lahat ng mga Disaster Risk Reduction offices na hahagupitin ng napakalakas na bagyong binabantayan ngayon ng PAGASA.
Ganap na alas-8:00 ngayong umaga, itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa “red alert” ang kanilang status.
Ibig sabihin, kinakailangan na ng mga puspusang paghahanda para sa papalapit na super typhoon na may international name na “Mangkhut” na sa sandaling pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay tatawagin nang “Ompong”.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Director Edgar Posadas, nais pa rin nilang makamit ang zero casualty lalo’t malakas na bagyo ang paparating kaya’t ngayon pa lamang ay kukulitin na nila ang publiko na maghanda.
Kasabay nito, tiniyak din ni Posadas na may mga naka-posisyon nang ayuda sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo prtikular na sa iyong mga nasa silangang bahagi ng bansa na unang direktang makalalasap ng hagupit nito.
Payo naman ni Posadas sa mga residente na nasa mabababang lugar na magplano na sa posibleng paglikas at ilipat na sa matataas na lugar ang mahahalagang kagamitan.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, inaasahan ang posibleng pagragasa ng daluyong o storm surge pag lumapit na ang bagyo sa kalupaan, iyon ay kung hindi magbabago ang forecast track ng bagyo.
—-