Isang Pinay at tatlong Taiwanese ang natimbog ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa anti-illegal drug operation sa Infanta, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Kimberly De Vera, mga Taiwanese na sina Jhuo Tian-You; Ching Huang Lin at Lin Cheng-Weng na ilang buwang minanmanan ng mga otoridad.
Ayon kay CALABARZON Regional Police Director, Chief Supt. Edward Carranza, nasakote ng PNP-Drug Enforcement Group, Maritime Group, Infanta Municipal Police Station at PDEA-4A ang apat na suspek sa Barangay Dinahican.
Nasabat sa operasyon ang 10 sako ng kemikal at 22 na 30-liter gallons ng liquid substance na hinihinalang ginamit sa paggawa ng shabu.
Ito na aniya sa ngayon ang pinaka-malaking bulto ng iligal na droga na kanilang nakumpiska sa rehiyon.
Magbabagsak sana ng mga drug chemical at substance ang grupo nina De Vera sa baybayin ng Infanta na kilalang drop-off point ng illegal drug shipments subalit natunugan ito ng mga otoridad.