Walang makukuhang special treatment mula sa New Bilibid Prison (NBP) si retired Major General Jovito Palparan.
Tiniyak ito ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronaldo “Bato” Dela Rosa matapos mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong si Palparan dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa dalawang University of the Philippines (UP) students.
Sina Sherlyn Cadapan at Karen Empenio ay dinukot umano ng mga tauhan ni Palparan sa Hagonoy, Bulacan nuong June 26, 2006.
Sinabi ni Dela Rosa na hindi bibigyan ng very important person (VIP) treatment si Palparan lalo na’t matagal nang wala ang mga kubol sa loob ng compound ng NBP.
Bago mailipat sa maximum security compound, mananatili muna si Palparan ng ilang araw sa reception and diagnostic center ng NBP kung saan isasailalim ang retired general sa quarantine at serye ng medical examination.