Inihalintulad ng Malacañang sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay, sa Malay, Aklan ang pagpapatigil ng small-scale mining operations sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mayroon lamang pagkakaiba sa rehabilitasyon ng Boracay at mga small-scale mining area sa Cordillera.
Pinag-aaralan na rin anya ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) ang rekomendasyon na magtalaga ng mga minahan ng bayan.
“So tinanggap naman po nang paghamon ng administrasyon na itong nangyari sa Itogon. Mabuti na lang po meron tayong model, and that model was Boracay. So alam na po ng mga ahensya ng gobyerno ang gagawin it’s very similar to what happened to Boracay. Ang pagkakaiba lang po hindi natin alam kung hanggang kailan mananatiling walang pagmimina diyan sa CAR dahil ang sabi po ni DENR Sec. Roy Cimatu ay sa lalong mabilis na panahon pag-aaralan nila ang proposal para sa minahan ng bayan.” Pahayag ni Roque.
Tiniyak din ni Roque na magbibigay ang pamahalaan ng pansamantalang hanapbuhay sa mga minerong ma-aapektuhan ng pagpapatigil ng small-scale mining operations.
“So habang walang minahan ng bayan wala muna small-scale mining diyan sa CAR. So alam po ng gobyerno ang gagawin niya yung pagbibigay ng temporary assistance, alternative livelihood ang siguro ang dapat na lang siguraduhin na lang natin is anong period ang kinakailangan ng DENR para maaktuhan yuung application ng minahan ng bayan.” Ani Roque.
—-