Gaya ng inaasahan, hindi pinalampas ng Malakanyang ang panibago na namang patutsada ni Senador Antonio Trillanes IV na banat sa senatorial candidate ng administrasyon.
Sabi kasi ni Trillanes, tiyak daw na magdurusa ang mga tatakbong kandidato ng administrasyon sa mataas na Kapulungan dahil sa inflation at pagbawi sa kanyang amnestiya.
Buwelta ni Presidential Spokesman Harry Roque kay Trillanes, tiyak na walang epekto sa mga senatorial candidate nila ang binawing amnestiya sa Oakwood mutineer ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabilang dako’y tiyak na maipapakita ani Roque sa panahon ng eleksiyon sa taumbayan na ginagawa ng pamahalan ang lahat upang maibaba ang inflation.
Samantala, hinamon ni Roque si Trillanes na lumabas sa Senado para manumpa sa piskalya kasunod ng inisyung subpoena ng Davao City Prosecutor’s Office laban dito.
Sinabi ni Roque na sa kanyang pagkaka-alam, kailangang lumabas ng Senado at manumpa sa isang piskal si Trillanes kahit na hindi na sa Davao City Prosecutor’s Office.
Sentimyento ng mayorya hinggil sa pananatili ni Trillanes sa Senado inunawa ng Palasyo
Nauunawaan ng Malakanyang ang sentimyento o pagkainis na ng mayorya ng mga senador hinggil sa napakatagal nang pananatili ni sen. Antonio trillanes IV sa gusali ng Senado.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi talaga maiiwasan na mag-reklamo na ang mga kapwa senador ni Trillanes dahil halos ginawa nya nang libreng hotel ang senate building, na maging ang bayarin sa tubig, kuryente at overtime pay ng mga gwardya doon, ay sagot na ng gobyerno.
Laos na aniya ang telenobelang palabas na ito ng senador dahil wala nang pumapansin sa kanya sa loob ng gusali ng Senado.
Muling ipinaalala ng Palace spokesman Kay Trillanes, na tanging ang presidente lang ang may probisyon para sa libreng board and lodging at wala aniyang ganyang pribilehiyo ang mga senador.
Naiintindihan naman aniya na bahain ang bahay ni Trillanes kayat posibleng naisip nito na manatili muna sa Senado ngunit ngayong tapos na aniya ang Bagyong Ompong, dapat nang makaramdam ng hiya ang senador at umuwi na sa kanyang bahay.