Kinasuhan na ang nasa 13 na suspek at ilang iba pang inuugnay sa pagsabog sa Sultan Kudarat noong Setyembre 2.
Kabilang sa sinampahan ng kasong double murder with multiple frustrated murder sina Esmael Pendatun Nawal alyas Gary, Esmael Abdumalik alyas Abu Turaife, Imam Animbang alyas Kagul Karialn, Ismael Abubakar alyas Imam Bungos, Salahuddin Hassan at Nur Hassan alyas Andot o Abu Salman.
Gayundin sina Dudin Hassan, Making Hassan, Bashir Nilong, Mersidik Naway Alyas Abu Mersid, Momong Ismael, Ali Solaiman, Carmen Usman at ilang iba pang sinasabing sangkot sa pagsabog.
Batay sa imbestigasyon ng Police Regional Office 12 Special Investigation Task Group, nagsabwatan ang mga nabanggit na suspek sa pagpaplano, paglalagay at pag-detonate sa improvised explosive device (IED) sa loob ng isang internet café sa Barangay Kalawag 2.
Magugunitang dalawa ang nasawi habang hindi bababa sa pito ang sugatan sa nasabing pagsabog.