Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na may mananagot sa landslide na tumabon mga kabahayan sa tatlong barangay ng Naga City, Cebu.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, napag-alaman nilang matagal nang may crack sa taas ng quarry site ng Apo Cement pero walang ginawang evacuation ng mga residente sa lugar.
Sinabi ni Leones na maliban sa Apo Cement, iimbestigahan rin nila ang lokal na pamahalaan sa Naga Cebu lalo na ang nasa pangangalaga ng kalikasan dahil dapat ay namomonitor nila ang ganitong kaganapan.
Una rito, umabot na sa 22 ang bilang ng labi na nakuha mula sa landslide area samantalang umabot na sa mahigit 600 pamilya ang nailikas na sa evacuation area.
“Talagang ang mga lokal na pamahalaan ay familiar sila sa mga lugar na hazardous, binigyan namin sila ng mapa andun ‘yung ng mga landslide at flood prone areas, ito na ang indikasyon na dapat ang lokal na pamahalaan ay ilalayo na ang mga tao sa mga ganitong lugar, pangalawa dapat tinitignan natin ang mga kumpanya, dapat hindi sila pabaya lalo na sa compliance nila, kaya nga titingnan din natin ang liability ng ating nagmo-monitor sa ating DENR.” Pahayag ni Leones
(Ratsada Balita Interview)