Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa isanlibo’t limandaang (1,500) residente ng Sitio Sindulan, Barangay Tinaan sa Naga City, Cebu na inilikas matapos ang nangyaring landslide sa lugar.
Personal na nakiramay at nakisalamuha ang Pangulo sa pamilya ng mga biktima ng trahedya.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang mga pinuno ng National Housing Authority at Housing and Urban Development Coordinating Council na agad magtungo sa siyudad at makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa pabahay sa mga biktima ng landslide.
Maliban dito, pinatitiyak din ng punong ehekutibo sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang tulong medikal maging ang pag-alalay sa gastusin sa pagpapalibing sa mga biktima.
Kasamang bumisita ng Pangulo sina DSWD Secretary Virginia Orogo, DILG officer in charge Eduardo Año, DENR Secretary Roy Cimatu at iba pang mga lokal na opisyal. Samantala, ipinabatid ng DSWD na maliban sa foodpacks, hygiene kits, tubig at iba pa, mamamahagi rin ang ahensya ng dalawampu’t limang libong piso (P25,000) para sa mga pamilya na namatayan sa nangyaring landslide.
Pres. Duterte visits the victims of the Naga City, Cebu landslide incident at the Enan Chiong Activity Center. The victims are overwhelm with how the President shows sympathy to the them. @dswdserves #DSWDKalingaAtPagmamahal pic.twitter.com/2FANEdCPP8
— DSWD Region VII (@dswdfo7) September 21, 2018